Embarassed

Dinugo si Ayumi habang nanunuod kami ng Queer As Folk.

Nangyari ito kinagabihan after ng previous post. Sinabi sa akin ni Amboi na pwedeng mangyari ito sa mga ectopically pregnant.

"Ser, upuan mo 'tong dugo sa sofa para kunyari dinaratnan ka na!"

Alam kong masakit ang nararamdaman ni Ayumi pero nagagawa pa rin niyang magpatawa. Natulala ako dahil medyo may takot ako sa dugo.

"Ser! Ako pa ba ang tatawag ng ambulansya?"

Medyo natauhan ako.

It didn't take long hanggang makarating kami sa ospital. Naiinis na ako dahil ayaw pa niyang ipatanggal ang bata dahil baka may chance pa daw na gumapang ang namumuong fetus papunta sa dapat nyang kalagyan. Of course, alam niyang kailangan na talaga. Medyo in denial lang siya. Masakit para sa akin pero mas masakit para sa kanya.

8am sa private room kinabukasan nang may pumasok na makalaglag-boxer na guy. Natulala ako kasi shet, bibihira akong makakita ng ganito kagwapong guy. If I'm not mistaken, Piolo minus the nunal ang hulog-ng-langit na guy na ito. Nag-blush ako.

"Kumusta na po siya, Ser?"

"Ser?" Pagtataka ko.

"Ako po si Marvin."

"I love you too!" sabi ko sa isip ko.

"Ahmmm, ako po ang..."

"Lalaking dugyot!" sabat ni Ayumi na nanghihina pa.

"Palabasin mo siya!" utos sa 'kin ng yaya ko.

Nahihiyang tumingin si Marvin sa akin at payukong lumabas ng kuwarto.

"Putcha 'Yumi! Ang haba ng buhok mo! May kapatid ba siya?"

"Bakit, gusto mo ring ma-ectopic pregnancy?"

"'Yumi 'di naman niya sinasadya ang nangyari sa 'yo a!"

"Anung hindi? Tanga ka ba? Kaya nangyari sa akin ito dahil nakaturo pakaliwa ang kanyang pag-aari! Kaya 'yun! Sa kaliwa nabuo ang bata!"

Nawindang ako dahil sobrang lakas ng bunganga niya. Baka marinig ng mga nasa labas at ng mga nasa adjacent rooms. Naks English!

"O, pinipicture mo sa isip mo yung sinabi ko no?"

Oo, tama si Ayumi but I have to deny.

"Hindi a! Iniisip ko lang nakailangan nyong mag-usap dahil walang mangyayari kung puro galit at sigaw na lang ang ipinapakita mo!"

Seryoso ako pero nangningiti pa rin dahil di maalis sa isip ko 'yung sinabi niyang nakabaluktot na something.

"Ang pilyo ng ngiti mo ser! Tarantado ka! Pinagpapantasyahan mo ang sa akin! Gusto mo mabugbog for fun?"

"Oi bakit ikaw, di mo ba pinagpapantasyahan ang Amboi ko? Di ba cute na cute ka sa kanya?" sumbat ko.

"Excuse me! Im not ChiChi and MacMac!" pasosyal nyang sagot.

"Meaning?"

"Or si Mama mo."

"What? Gusto mo pag-usapan ang mga nanay? Sige ano nga ulit trabaho ng nanay mo nuon sa Japan bago ka pinanganak?"

Alam ko medyo below the belt yun pero asaran lang kami talaga at hindi siya papatalo.

"Asaran pala ng Nanay, sige shoot ako."

Alam kong sobrang dami ng alam niya sa pamilya ko at wala akong kalaban-laban sa mga sikretong ibubunyag niya.

"Di na. Yoko na makipagtalo." sabi ko na lang.

"Haha, sasabihin ko sanang kamuntik kang pina-abort ng Mama mo nuon pero sige, wag na. Peace tayo!"

Of course hindi na totoo yun. Pero napapisip pa rin ako hanggang ngayon.

Napalamig ko ang ulo niya at napapayag ko na mag-usap sila ni Marvin.

Umabot din sila ng isang oras at nang mejo natahimik na sa luob e dahan-dahan na akong pumasok. Di ko napansin na naghahalikan sila kaya mejo nagulantang ang dalawa.

"Ser, pinag-uusapan lang po namin ang... ang.. panahon sa labas." Di marunong magsinungaling si Marvin.

"Hindi. Pinag-uusapan namin ang gastos dito sa ospital." Sabat ni Ayumi tapos tumingin siya kay Marvin at sinabing "Mas kapani-paniwala yun!"

Inignore ko na lang 'yun.

"So ano na napagdesisyunan nyo? Ok na ba kayo?"

"Slight." pagpapacute ng katulong.

"Ipapalibing na po namin yung bata." Si Marvin na sa tingin ko e nagpapacute din.

"Binigyan nyo na ba ng pangalan? Di ba yun ang pamahiin?" kako.

"Matagal na po naming nabigyan ng pangalan. Bago pa namin nalaman na ectopic siya."

"Ako nakaisip Ser. Ipinangalan ko sa isang special someone." sabat ni Ayumi.

"Kapamilya star yan! O kaya character sa pocketbook na binabasa mo. Korny!" pang-aasar ko.

Ngumiti lang sila.

"Or bida sa teleserye or fantaserye yan! Haha!" pagpapatuloy ko.

"Ser Kokoi, Marcus po ang pangalan nya."

Napahiya ako.

'Yun ang tunay kong pangalan.